Translate

Saturday, November 22, 2008

Wastong Gamit ng Salita

hango sa
Wastong Gamit ng Salita

1. KAPAG at KUNG - Ipinakikilala ng kung ang di-katiyakan ng isang kalagayan; ipinakikilala ng kapag ang isang kalagayang tiyak.



Hal. Umuuwi siya sa probinsiya kapag araw ng Sabado.

Hindi niya masabi kung Sabado o Linggo ang pag-uwi niya sa probinsiya.



Mag-ingat ka naman kapag nagmamaneho ka.

Mag-ingat ka kung ikaw ang magmamaneho ng kotse.

2. KIBO at IMIK - Pagkilos ang tinutukoy ng kibo; pangungusap ang tinutukoy

ng imik.

Hal. Wala siyang kakibu-kibo kung matulog.

Hindi siya nakaimik nang tanungin ko.

Hindi lamang sa tao nagagamit ang kibo.

Hal. Kumikibo nang bahagya ang apoy ng kandila.

Huwag ninyong kibuin ang mga bulaklak na iniayos ko sa plorera.

3. DAHIL at DAHILAN - Pangatnig ang dahil, pangngalan ang dahilan;pang-ukol naman ang dahil sa o dahil kay.

Hal. Hindi siya nakapasok kahapon dahil sumakit ang ulo niya.

Hindi ko alam kung ano ang dahilan ng kanyang pagkakasakit.

Hindi siya nakapasok kahapon dahil sa sakit ng ulo.

Ginagamit kung minsan ang dahil bilang pangngalan sa panunula.

Iwasan ito sa karaniwang pangungusap o pagsulat.

Iwasan din ang paggamit ng dahil sa bilang pangatnig.

Mali: Hindi siya nakapasok kahapon dahil sa sumakit ang ulo.

4. HABANG at SAMANTALANG

Habang - ang isang kalagayang walang tiyak na

hangganan,o “mahaba”.

Samantalang- ang isang kalagayang may taning, o

“pansamantala”.

Hal. Kailangang matutong umasa habang nabubuhay.

Nakikitira muna kami sa kanyang mga magulang samantalang wala pa akong trabaho.

Gulung-gulo ang isip niya habang hindi pa siya sinsagot ng kanyan kasintahan.

Gulung-gulo ang isip niya samantalang hindi pa dumarating ang sulat ng kanyang kasintahan.
May iba pang gamit ang samantala. Ipinakikilala nito ang

pagtatambis sa dalawang kalagayan.


Hal. Bakit ako ang pupunta sa kanya samantalang ikaw ang tinatawag

kanina pa?

5. IBAYAD at IPAGBAYAD

Ibayad - pagbibigay ng bagay bilang kabayaran

Ipagbayad - pagbabayad para sa ibang tao


Hal. Tatlong dosenang itlog na lamang ang ibabayad ko sa iyo sa halip na

pera.
Ipagbabayad muna kita sa sine.

MALI at katawa-tawa): Ibayad mo ako sa sine.

Ibinayad ko siya sa bus.

6. MAY at MAYROON - Iisa ang kahulugan ng mga salitang ito; naayon ang gamit sa uri ng salitang sumusunod. Gamitin ang may kapag susundan ng pangngalan ( mapaisahan o maramihan), pandiwa, pang-uri o pang-abay.

Hal. May anay sa dingding na ito.

May kumakatok sa pinto.

May dalawang araw na siyang hindi umuuwi.
Gamitin ang mayroon kapag susundan ng kataga, panghalip napanao o pamatlig o pang-abay na panlunan.

Hal. Mayroon kaming binabalak sa sayawan.

Mayroon iyang malaking suliranin.

Mayroon kayang mangga sa palengke ngayon?

Maaring gamitin ang mayroon nang nag-iiisa.

Hal. “May asawa ba siya?’ “Mayroon.”

Nagagamit din ang mayroon bilang pangngalan.



Hal. Sa aming bayan, madaling makilala kung sino ang mayroon at kung

sino ang wala.

7. PAHIRAN at PAHIRIN

Pahiran - paglalagay

Pahirin - pag-aalis

Hal. Pahiran mo ng sukang iloko ang noo niya.

Pahirin mo ang pawis sa likod ng bata.


8. PINTO at PINTUAN

Pinto - ang inilalapat sa puwang upang hindi iito
mapagdaanan

Pintuan- ang puwang sa dingding o pader na

pinagdaraanan.

Hal. Huwag kang humara sa pintuan at nang maipinid na ang pinto.

Gayon din ang pagkakaiba ng hagdan sa hagdanan

Hagdan - ang inaakyatan at binababaan

Hagdanan - nag kinalalagyan ng hagdan

9. SUBUKAN at SUBUKIN

Subukan - pagtingin nang palihim

Subukin - pagtikim at pagkilatis

Hal. Ibig kong subukan kung ano ang ginagawa nila tuwing umaalis ako sa
bahay.

Subukin mo ang bagong labas na mantikilyang ito.

Subukin mo kung gaano kabilis siyang magmakinlya.


Iisa ang anyo ng mga pandiwang ito sa pangkasalukuyan at

pangnakaraan : sinusubok, sinubok. Magkaiba nag anyo sa

panghinaharap: susubukan, sususbukin


10. TAGA- at TIGA

Walang unlaping tiga-. Taga- ang dapat gamtin. Gumagamit lamang ng gitling kapag sinusundan ito ng pangngalang pantangi.

Hal. Taga-Negros ang napangasawa ni Norma.

Ao ang palaging tagahugas ng pinggan sa gabi.

Naiiba ang unlaping tig- na ginagamit kasama ng mga

pambilang: tig-isa, tigalawa tigatlo tig-apat, atbp.

11. AGAWIN at AGAWAN

Agawin ang isang bagay sa isang tao/hayop.

Agawan ng isang bagay ang isang tao/hayop.

Hal: Ibig agawin ng bata ang laruan ni Jess.

Ibig agawan ng laruan ni Boy si Jess.

12. HINAGIS at INIHAGIS

hinagis ng isang bagay

inihagis ang isang bagay
Hal. Hinagis niya ng bato ang ibon.

Inihagis niya ang bola sa kalaro.



13. ABUTAN at ABUTIN

abutin ang ang isang bagay

abutan ng isang bagay

Hal. Abutin mo ang bayabas sa puno.

Abutan mo ng pera ang Nanay.

14. BILHIN at BILHAN

bilhin ang isang bagay

bilhan ng isang bagay

Hal. Bilhin natin ang sapatos na iyon para sa iyo.

Bilhan antin ng sapatos ang ate.

15. WALISAN at WALISIN

walisin ang isang bagay na maaring tangayin ng walis

walisan ang ang pook o lugar

Hal. Nais kong walisan ang aklatan.

Nais kong walisin ang nagkalat na papel sa aklatan.

15. SUKLAYIN at SUKLAYAN
suklayin - ang buhok ng sarili o ng iba

sukalyan - ng buhok ang ibang tao

Hal. Suklayin mo ang buhok ko,Luz.

Suklayan mo ako ng buhok, Alana.

16. NAMATAY at NAPATAY

napatay -may tiyak na tao o hayop na pumaslang ng kusa/sinasadya

namatay -kung ang isang tao ay binawian ng buhay sanhi

sakit,

katandaan o anumang dahilang hindi sinasadya;

ginagamit din sa patalinghagang paraan doon sa mga bagay na

walang buhay.

Hal. Namatay ang kanyang lolo dahil sa sakit sa atay.

Napatay ang aking alagang aso.

17. MAGSAKAY at SUMAKAY

magsakay - magkarga ( to load)

sumakay - to ride

Hal.

Nagsakay ng sampung kahon ng lansones sa bus si Jo.

Sumakay na tayo sa daraang bus.

18. OPERAHAN at OPERAHIN

operahin - tiyak na bahagi ng katawan na titistisin

operahan - tumutukoy sa tao

Hal.

Ang tumor sa dibdib ng maysakit ay ooperahin mamaya.

Si Luis ay ooperahan sa Martes.

19. NANG at NG

nang - pangatnig na panghugnayan

- tagapagpakilala ng pang-abay na pamaraan at pamanahon

- tagapag-ugnay ng salitang-ugat na inuulit at pandiwang inuulit

ng - pantukoy ng pangngalang pambalana

- tagapagpakilala ng layon ng pandiwa at tagaganap ng pandiwa

- pang-ukol na kasingkahulugan ng “sa”

Hal. Umalis siya nang sila’y dumating.

Tumawa nang tumawa ang mga mag-aaral.

Nagalit ang guro nang kami’t nag-ingay.



Bumili kami ng mga pasalubong para kay ditse.

Pumanhik ng bahay ang mga panauhin.

20. KATA at KITA

kata - ikaw at ako

kita - ikaw

Hal.

Manood kata ng sine.

Iniibig kita.


Wastong Gamit ng mga Salita

Kila at Kina
Walang salitang kila. Ang Kina ay maramihan ng kay.

Hal. Pakidala ang mga laruang ito kina Benny at Maris.
Makikipag-usap ako kina Vic at Nona.

Daw/ Din at Raw/ Rin
Ginagamit ang daw/ din kapag ang salitang sinusundan ay nagtatapos sa katinig; at raw/rin kapag nagtatapos sa patinig.

Hal. May sayawan daw sa plasa.
Sasama raw siya sa atin.

Kung at Kong
Ginagamit ang kung bilang pangatnig na panubali. Katumbas ito ng if sa Ingles; ang kong ay panghalip na panao sa kaukulang paari

Hal. Matutulog na ako kung papatayin mo na ang ilaw.
Nabasa ang binili kong aklat.

Kung Di at Kundi
Ang kung di ay galing sa salitang “ kung hindi” o if not sa Ingles; ang kundi naman ay except.

Hal. Aalis na sana kami kung di ka dumating.
Walang sinuman ang pwedeng manood kundi iyong mga may tiket lamang.

Hagdan at Hagdanan
Ang hagdan ( stairs) ay ang baytang na inaakyatan at binababaan. Samantalam ang hagdanan
(stairways) ay ang bahaging kinalalagyan ng hagdan.

Hal. Nagmamadaling inakyat ni Marving ang mga hagdan.
Ilagay mo ang hagdanan sa tapat ng bintana.

Ikit at Ikot
Ginagamit ang ikit para maipakita ang kilos na paggilid mula sa labas patungo sa loob. Ang ikot naman ay mula sa loob patungo sa labas.

Hal. Nakatatlong ikit muna sila bago nila natunton ang daan patungo sa loob ng kuweba.
Nahirapan pala silang makalabas ng tunnel. Umikut-ikot muna sila sa loob nito bago nila nakita ang daan palabas.

Hatiin at Hatian
Hatiin ( to divide) o partihin; Hatian ( to share) o ibahagi.

Hal. Hatiin mo sa amin ang pakwan.
Hinatian niya ng kanyang hamburger ang namamalimos na bata.

Nabasag at Binasag
Ang salitang nabasag ay nangangahulugan ng kilos na di sinasadya o di ginusto; ang salitang binasag naman ay nagpapakita ng sariling pagkukusa.

Hal. Galit na galit na binasag ng lalaki ang mga salamin ng kotse.
Nagmamadali kasi siyang maghusga kaya nabasag niya ang mga plato.

Bumili at Magbili
Bumili- to buy; Magbili- to sell o magbenta

Hal. Pumunta ang nanay sa Baguio para bumili ng mga sariwang gulay.
Ang trabaho ng tatay niya ay magbili ng mga lumang kasangkapan.

Kumuha at Manguha
Kumuha- to get; Manguha – to gather, to collect

Hal. Kumuha ng isang basong tubig si Neth para kay Jean.
Nanguha ng mga kabibe ang mga bata sa dalampasigan.

2 comments:

Anonymous said...

I love your page it's COMPLETE!!!

Anonymous said...

bakit walang sundin at sundan?