Translate

Tuesday, June 29, 2010

Proyekto sa Fil III

PROYEKTO sa Filipino III
TP 2010-2011

Pamagat ng Kabuuang Proyekto : Pagsusuri ng Maikling Kwento at Tula gamit ang mga Teoryang Pampanitikan

I.Rasyunal

Batay sa itinadhanang kompetensi ng Revised Basic Education Curriculum, ang pag-aaral ng Filipino III sa mataas na paaralan ay naglalayong makahubog ng mga mag-aaral na mahuhusay na komyunikeytor ng wikang Filipino sa isang iskolarling pakikipagtalastasan, pasulat man o pasalita. Binibigyang-seguridad ang layuning ito sa pamamagitan ng iba't ibang pagdulog sa pagtuturo at pagkatuto. Kasama na ang pagpapaigting sa pagiging malikhain ng mga mag-aaral.Tinitiyak na ang mga makrong kasanayang pangkomunikasyon ng mga mag-aaral ay napauunlad gamit din ang maraming gawaing tutulay sa iba pang disiplina ng karunungan.
Bunga ng mga konseptong ito, naghanda ang mga guro sa Filipino III ng isang developmental na proyekto na tutugon sa pagsukat sa kaalamang konseptwal at kasanayang saykomotor ng mga mag-aaral sa pag-aaral na kursong nabanggit. Sentro ng proyekto ang mga batayang kaalaman sa pag-aaral ng Maikling Kuwento at Tula na nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Award sa taong 2006-2009.

II.Mga Layunin
Sa paggawa ng proyektong ito ang mga mag-aaral ay inaasahang:
a. nakikilala ang mga batayang detalye ng tiyak na bahagi ng Maikling Kuwento (Simula,Saglit na Kasiglahan,Suliraning hinahanapan ng lunas, Kasukdulan, Kakalasan at Wakas)at ng tula(saknong, taludtud, sukat, talinghaga at tugma)na susuriin ng pangkat bilang pasulat at pasalitang ulat ng proyekto,
b. nakasusuri ng akda batay sa mga Teoryang Pampanitikan,
c. nalilinang ang kakayahan sa pagsasalita ng bawat kasapi ng pangkat sa pamamagitan ng malikhaing pag-uulat tulad ng panel discussion, balitaan o talk show,
d. nakasusulat ng sariling maikling kwento at tula batay sa napiling teoryang pampanitikan,
e. nakapagsasagawa ng power point at video presentation na naglalaman ng mga pagsusuring pampanitikan ng isang akda.

III. Mga Materyales
Kopya o sipi ng Maikling Kwento at Tula na nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Award 2006-2009
Over Head Projector/ LCD Projector na gagamitin sa pasalitang pag-uulat ng pangkat,
Mga materyales na gagamitin ng mag-aaral sa pagsulat ng maikling kwento at tula
CD na ipapasa bilang awtput ng mag-aaral

IV.Pamamaraan
Unang Markahan: Pangkatang Pag-uulat o Presentasyon
1. Ang mga mga mag-aaral sa bawat klase ay hahatiin sa anim na grupo (8-10 miyembro bawat grupo).
2. Bubunot ang bawat kinatawan ng pangkat mula sa mga sumusunod na anim na piling akdang nanalo sa Palanca Memorial Award :
a. “Ang Nanay kong Lola” ni Milagros B. Gonzalez (3rd Prize Maikling
Kwentong Pambata 2009)
b. “Ang Ikaklit sa Aming Hardin” ni Bernadette Neri (1st prize 2006 Maikling Kwentong Pambata)
c. “May Tatlong Kurimaw” ni Allan Alberto N. Derain (3rd Prize - Maikling Kwentong Pambata 2008)
d. “Ang Iba’t Ibang Ngalan ng Hangin” ni Mikael de Lara Co ( 1st Prize Kalipunan ng Tula 2008)
e. “Yaong Pakpak na Binunot sa Akin” ni
( 2nd Prize Kalipunan ng Tula 2009)
f. “Sambutil na Daigdig sa Ilalim ng Pilik” ni Gerardus Antilochus Y Cervantez
(3rd Prize Kalipunan ng Tula 2009)
3. Iuulat sa takdang panahon ng bawat pangkat ang mga akdang napili nila. Kinakailangang sa bawat pag-uulat, matatalakay ito sa malikhaing paraan tulad ng pagsasagawa ng panel discussion, balitaan o talk show. Ilalahad ang mga sumusunod na elemento ng Maikling Kuwento (Simula,Saglit na Kasiglahan,Suliraning hinahanapan ng lunas, Kasukdulan, Kakalasan at Wakas) at ng tula(saknong, taludtud, sukat, talinghaga at tugma) at susuriin ang akda batay sa mga teoryang pampanitikang nakapaloob sa akda.
4. Bubuo rin ang bawat pangkat ng isang pasulat na ulat (written report) na nagtataglay ng mga elementong tatalakayin sa pasalitang ulat.
5. Sa ngalan ng pagkakapantay-pantay ng gawain, kinakailangang ang lahat ng kasapi ng pangkat ay may bahagi sa pasalitang ulat.(Ang kasanayang ito ang sentro ng proyekto sa unang markahan na siyang bibigyan ng marka)
Halimbawang gawain ng mga kasapi :
a. Pinuno- punong tagapagsalita, tagalagom ng impormasyong ilalahad ng pangkat
b. Mga miyembro : tagapagtalakay ng bawat bahagi ng maikling kuwento at tula at ng teoryang pampanitikang nakapaloob sa akdang sinusuri.

Ikalawang Markahan: Pagsulat ng sariling Maikling Kwento at Tula

1. Bubuo ang bawat mag-aaral ng sariling Maikling Kwento o Tula at susuriin ito ng buong pangkat gamit ang mga teoryang pampanitikan at elemento ng akdang isinulat.
2. Matapos masang-ayunan ng guro ang nabuong akda ay kinakailangang tipunin ang mga ito upang makabuo ng isang kompilasyon na naglalaman ng kanilang mga akdang sinulat at sinuri.

Ikatlong Markahan : Pagsusuri ng ibang akda at
pagbuo ng video/powerpoint presentation
1. Matapos maisakatuparan ang paggawa at pagsusuri ng sariling akda, ang bawat pangkat ay magsusuri ng isa o dalawang popular na Maikling Kwento at Tula sa pamamagitan ng mga teoryang pampanitikan at elemento ng akda.
2. Ipapakita ito sa harap ng klase sa pamamagitan ng panonood ng powerpoint o video presentation.
Ang mga tagapanood ay
a. Magbigay ng opinyon / puna hinggil sa :
1. Pagsusuri ng elemento ng akda
2. Paggamit ng teoryang pampanitikan
3. Pagbuo ng kabuuang presentasyon



V.Batayan sa Pagmamarka
Gagamitin ang sumusunod na rubrics para sa una at ikalawang markahan na inihanda ng Kagawaran ng Filipino para sa mga pangkatan, pasalita, at pasulat na gawain na kalikasan ng mga proyekto sa una at ikalawang markahan.
1.Nilalaman 30%
-kaangkupan sa paksa ng proyekto
-katumpakan(accuracy) ng nilalaman ng proyekto
-kawastuhan ng ginawang proyekto
2.Organisasyon at Kahandaan 20%
-may sistema ang bawat detalye ng proyekto
-kawalan ng mga mali, tipograpikal man o may kinalaman sa paksa
-may daloy o organisasyon ang pagkakaugnay ng proyekto o paksa
3.Pagkamalikhain 30%
-nagtataglay ng astetikong katangian
-kakikitaan ng craftsmanship o kahusayan
-may balanseng kaugnayan ang kagandahan sa dapat na nilalaman ng
proyekto
4.Pangkalahatang presentasyon 14% / 12%
94% / 92%(Kabuuan)



para sa ikatlong markahan:

Magiging batayan ang RUBRIC PARA SA PANUNURING PAMPANITIKAN
na nasa sumunod na pahina.
Ginamit ang 96% bilang perpektong marka ng proyekto sa ikatlong markahan sapagkat ang markang nabanggit ang pinakamataas na marka sa mga kontroladong kraytirya ng asignatura sa ikatlong markahan.

VI. Mga Takdang Panahon ng Pagpapasa
Unang Markahan – Agosto 16-21, 2010
Ikalawang Markahan – Nobyembre 8-12, 2010
Ikatlong Markahan – Pebrero 1-4 , 2011

No comments: