Translate

Wednesday, May 28, 2008

Mga kawikaíng Inglés na isinalin at ipinaliwanag sa wikang Filipino


Pork Barrel
Baríles ng Karné ng Baboy


Sa larangan pa rin ng pulitiká: ang pinagmulán ng pariralang pork barrel ay malapit sa pinanggalingan ng carpetbagger. Ang pork barrel ay salapî ng pámahalán na ginagamit ng isáng pulitikó para sa mga proyekto sa kaniyáng purók upang bumangó ang kaniyáng pangalan at maihalál siyáng mulî. Kadalasan ang mga proyektong itó ay hindî naman kailangan sa kaniyáng purók at ang pera ay ibinubulsá lamang niya at ng kaniyáng mga alipores o crony.

Malamáng na nanggaling ang katagáng pork barrel sa panahón bago pa ng Civil War sa U.S. Noón ay nagpapamudmód ng inasnáng baboy mula mga naglalakihang bariles para sa mga aliping itim. Kadalasan, ang mga bariles ng inasnang baboy ay pinagkakaguluhan ng mga aliping nagdaragsaán at nag-aagawan upang makakuha ng mas marami para sa sarili.

Break a leg
Mabalì sana ang isá mong bintî?


Malas daw kung sasabihing “Good luck” o “Palarin ka sana” sa isáng performer bago siyá magpalabás. Sa halíp nitó, ayon sa pamahiin, ang taong babatì ay dapat magkunwaríng malas ang inaasahan niyáng mangyayari sa palabás ng performer. Kayâ, nagíng uso ang pabiróng sumpáng break a leg o mabalì sana ang isá mong bintî ngunit hindî namán masamâ ang ibig sabihin nitó.

I was confused for a moment before the show when she said to me, “Break a leg!” But then I realized that she was actually wishing me good luck.

The apple of your eye
Ang mansanas ng iyóng matá?


Ang tawag sa pinakamamahál mo ay apple of your eye. Noóng unang panahón, apple ang tawag sa balintatáw o pupil ng matá. Itó ang itím na bilog na nasa kalagitnaan ng ating mga matá. Alikmatá ang isá pang pangalan nitó.

When we were young, my brother was the apple of my mother’s eye.

Hit the roof
Hampasín ang bubóng?


Ang pariralang (phrase) hit the roof ay tumútukoy sa isáng taong nagagalit. Pumapasok sa isip natin ang isáng taong lumúlundág, pumúputók o dî kayá’y lumílipád gaya ng isáng kuwitis dahil sa matindíng galit hanggáng mauntóg siyá sa bubóng o kísamé.

When Dad sees what happened to the car, he is going to hit the roof!

No comments: