Friday, May 30, 2008

bilib ako sa 'yo!



wow!Pinahanga niya ko sa galing niya magdribble.Mahina ako sa dribbling pero okay naman sa shooting.Hindi na ko makapghintay na maglaro muli ng basketball sa darating na Foundation Day sa SSA.Sana makapaglaro.

Thursday, May 29, 2008

Ebolusyon ng Wikang Filipino

Ni Gester Jeff Quilala, Mary Thrasher Jose, Lutchie Anne Coral at
Gilbert Casado


Bawat bansa ay may kaniya-kaniyang pagkakakilanlan. Maaring ito ay sa porma ng watawat, sa himig ng pambansang awit, o sa wikang sinasalita. Tulad din ng ibang bansang malaya, ang Pilipinas ay may sarili ding wika. Ngunit saan nga ba nagsimula ang wikang Filipino? Kusa lamang ba itong sumibol? Ito ba ay isang wikang hiram? O ito ba ay pinagsama-samang mga salita mula sa iba’t-ibang kultura?

May siyam na pamilya ng wika sa buong daigdig at kinabibilangan ito ng humigit-kumulang 3,000 pangunahing wika. Isa sa siyam na ito ay kinabibilangan ng wika sa Pilipinas. Ang ating wika ay nasasaklawan ng pamilyang Austronesian o Malayo-Polynesian na kinabibilangan ng mga kawikaan sa Timog Silangang Asya gaya ng Indonesia at Malaysia.
Sawaiori at Jahori, Mela-nesia, at Malay ay ang tatlong subpamilyang nasa ilalim ng pamilyang Malayo-Polynesian. Sa mga sub-pamilyang ito, ang ating wika ay napapaloob sa Malay bilang sangay na Tagala.

Itinuturing pangunahing wikang katutubo ang Tagalog, Ilocano, Pangasinan, Kapam-pangan, Bicol, Waray o Samar-Leyte, Cebuano, Hiligaynon o Ilongo, Maranaw, Tausug, at Maguindanao, batay sa dami ng populasyon o porsyento ng mga tao na gumagamit, nagasalita, nagsusulat, at nakakaunawa rito. Halos lahat ng mga wikang ito ay may kanya-kanyang dayalekto, gaya ng Tagalog (Tagalog-Rizal, Tagalog-Bulacan, Tagalog-Batangas, Tagalog-Marinduque, Tagalog-Cavite, at iba pa. Gauyundin sa Cebuano, na kung saan ay may Cebuano-Cebu, Cebuano-Bohol, Cebuano-Surigao, at iba pa. Ang Hiligaynon naman ay mayroong Aklanon, Kiniray-a, Cuyunon, Palaweño, Ilongo, at iba pa. Ang Bicol ay mayroong Naga, Legaspi, Bato, Buhi, Catanduanes, Sorsogon, Masbateño, at iba pa. Samantala ang Ilocano naman ay may Ilocos, Abra, Cagayan, Samtoy, Ibanag, Bulubundukin, at iba pa.

Ang alif-ba-ta at abecedario

Bago pa dumating ang mga banyaga dito sa Pilipinas tulad ng mga Kastila, ang mga katutubong Pilipino ay may sarili ng alpabeto at sistema ng pagbabaybay na mas kilala sa tawag na “alibata” o alif-ba-ta sa Arabo. Ang matandang alpabeto ng mga katutubo ay syllabic at binubuo ng tatlong patinig (vowels) at labing-apat na katinig (consonants). Ang patinig ay mayroong a, e, at i, samantalang ang o at u naman ay may iisa lamang tunog na lubhang nakalilito. Bawat isa sa mga katinig ay binabasa na may kasama na patinig a, kapag ito ay walang marka sa itaas o sa ibaba na mas kilala sa tawag na “kudlit,” o isang uri ng marka na ginagamit sa mga matatandang sistema ng pagsusulat. Kapag ito naman ay may kudlit sa ibaba, ang patinig a, ay napapalitan ng patinig o o di kaya ay u. Ngunit kung ang kudlit naman ay nasa itaas, ang patinig ay nagiging e o i.

Nang sinakop ng mga Kastilang mananakop ang Pilipinas, pilit na binago ng mga ito ang kulturang pangkatutubo ng mga sinaunang Pilipino. Binura ng mga Espanyol ang mga paganong pag-uugali ng mga katutubo, kabilang na ang pag-iiba sa sistema ng pag-susulat, pagbasa at mga salita ng mga ito. Ipinakilala ng mga Kastila ang kanilang sariling bersyon ng alibata, ang abecedario o ang alpabetong Espanyol.

Nang dumating naman ang mga Amerikano sa Pilipinas, ipinatupad ang patakarang alinsunod sa ilang patakarang ipinatupad ng mga mananakop na Kastila. Ang mga ito ay ang pagyakap sa Kristyanismo at ang pagiging sibilisado ng mga pamayanan. Ipinalaganap ng mga Amerikano ang pam-publikong sistema ng edukasyon. Ginamit ang wikang Ingles bilang pangunahing instrumento sa pagtuturo kaya ang Hispanisasyon ng mga Kastila ay napalitan ng Amerikanisasyon.

Ang Surian ng Wikang Pambansa

Nang manungkulan si Manuel L. Quezon bilang Pangulo ng Komonwelt at si Sergio Osmeña bilang pangalawang Pangulo, binig-yan pansin ang isyung “nasyonalismo.” Naniniwala ang mga liderato ng bansa noon na dapat magkaroon ng isang pangkalahatang pambansang wika na siyang mahalaga sa pagtataguyod ng pangkabuuang unawaan at pagkikintal ng pambansang pagmamalaki ng sambayanan. Ayon sa Artikulo XIV, Sekyon 3 ng Konstitisyong 1935, ang magiging bagong wika ay ibabase sa mga kasalukyang katutubong wikang meron sa ating bansa.

Ang Unang Pambansang Asemblea noong ika-13 ng Nobyembre, 1937, ang siyang bumuo sa Institusyon ng Wikang Pambansa. Ang mga naging kasapi sa komiteng ito ay sina Jaime de Veyra (Hiligaynon), Santiago Fonacier (Ilocano), Casimiro Perfecto (Bicol), Felix Rodriguez (Samarnon), Felix Sotto (Cebuano), Cecilio Lopez (Tagalog), Hadji Butu (Maranao-Maguindanao), Isidro Abad (Cebuano), Zoilo Hilario (Pampango), Jose Zulueta (Pangasinan), at Lope K. Santos (Tagalog).

Nang binuo ang Commonwealth Constitution, ang wikang “Tagalog” ang siyang naging pambansang wika ng Pilipinas, ayon na rin sa Executive Order Bilang 134. Ang mga naging batayan nito ay ang: pagiging lingua franca nito, o paggamit ng Tagalog sa maraming sangay ng komersyo at kalakalan; ang dami ng katutubong nagsasalita nito, sa dahilang ang wikang ito ay ang pangunahing ginagamit sa lungsod ng Maynila gayundin sa mga kalapit probinsya nito, at; ang karamihan ng panitikang Pilipino ay nakasulat sa Tagalog. Ngunit dahil sa ilang pagtutol ng mga kinatawan ng iba’t-ibang bahagi ng bansa matapos ang tatlong taon, ang naturang konstitusyon ay hindi klinasipika ang wikang Tagalog bilang opisyal na wikang pambansa, ngunit bilang isang pormal na dayalekto ng ating bansa lamang.

Nang kinilala ang Philippine language based-Tagalog, isinulat ni Lope K. Santos ang Balarila ng Wikang Pambansa na siyang nagpakilala sa Abakada na may 20 letra, na kung saan ang letrang “a” lamang ang idinadagdag sa dulo ng bawat katinig para sa tunog nito.

Nung panahong din ito, umusbong ang mga salitang ginamit sa Balarila at ito ay ang mga: balarila (grammar), pandiwa (verb), pangngalan (noun), pang-uri (adjective), pang-abay (adverb), pangatnig (conjunction), patinig (vowel), katinig (consonant), panaguri (predicate), simuno (subject), pang-ukol (preposition), paningit (inclitic).

Samantala, nakasaad din sa Konstitusyon ng Komon-welt na ang wikang pambansa ay dapat na kumatawan sa lahat ng lalawigan ng bansa. Ibig sabihin, ito ay dapat na ginagamit sa halos lahat ng mga lalawigan. Hindi lamang iyan, ang naturang pambansang wika ay dapat may mga elemento ng iba’t-ibang dayalekto na siyang ginagamit ng iba’t-ibang lalawigan sa buong bansa.

Ang Tagalog bilang Pilipino

Bago naisagawa ang pangalawang konstitusyon noong dekada ‘70, higit na sa kalahati ng mga mamamayan ng bansa ang gumagamit na ng wikang Tagalog, kumpara noong nakaraang apat-napu’t taon na kung saan ay may halos dalawampu’t limang porsyento lamang ng mga Pilipino ang nagsasalita ng Tagalog. Isa sa mga kadahilanan ng paglaki ng bilang na ito ay nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigidig, ipinag-utos ng mga mananakop na Hapones na Tagalog ang wikang gamitin sa mga paaralan at maging sa mass media.

Dahil dito, ang mga “nationalists academics” ay nagkaisang magtulong-tulong upang magbigay daan tungo sa pagtatatag ng isang opisyal na pambansang wika, na siyang tatawaging “Pilipino”—na kung saan ay tanggap ng karamihan bilang ang wikang “Tagalog.”

Sa pamamagitan ng Department Memo no. 194 na inisyu ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura, and Pampalakasan noong ika-30 ng Hulyo, 1976, ang 20 titik ng abakada ay nadagdagan ng labing-isang banyagang-hiram na titik. Ang naturang revised Filipino Alphabet na binubuo ng 31 na letra, ay kinabibilangan ng mga letrang banyaga tulad ng c, ch, f, j, ll, ñ, q, rr, v, x, at z. Ngunit dahil sa hindi naging malinaw ang paggamit sa mga letrang ito, ang naturang alpabeto ay dumaan uli sa panibagong pagsususog.

Noong mga panahong din iyon, isinagawa ang iba’t ibang paraan nang pagpapayaman ng pambansang wika. Pinilit ng mga dalubhasa na gawin itong maka-katutubo, na kung saan ang mga “salitang hiram” o mga salitang galing sa mga banyagang wika ay unti-unting tinanggal at pinapalitan ng katutubong salitang katumbas nito. Isang halimbawa ang salitang Espanyol na silya—na siyang pinalitan ng salitang “salumpuwit.” Ngunit sa kadahilanang ang mga salitang madalas na nating ginagamit ay hiram na halos sa mga banyagang salita tulad ng Ingles, Espanyol, Intsik, Hapon, at kung anu-ano pa, hindi na naging epektibo ang mga naturang hakbang ng mga nasyonalista sa larangan ng akademya.

Ang makabagong Filipino

Nang dumating ang kapanahunan ng panunungkulan ng dating Pangulong Corazon Aquino, ang naturang isyu ay binigyang pansin sa pag-sasagawa ng Konstitusyon ng 1987. Ang pambansang wika ng Pilipinas ay kinilala bilang Filipino at hindi na Pilipino. Ang pagpapalit ng wikang pambansa mula sa Pilipino tungo sa salitang “Filipino” ay nag-bibigay halaga sa mga salitang Ingles at Espanyol na naging bahagi na ng ating pansariling wika. Ang mga letra sa alpabetong Ingles na hindi lingid sa kaalaman ng bawat Pilipino, tulad ng f, j, c, x, and z, ay isinama na rin sa makabagong alpabetong Pilipino.

Ang Alpabetong Filipino ng 1987, ang siyang pinagbago at pinaghusay na Abakada at Alpabetong Filipino ng 1976. Ang naturang Filipino Alphabet ay binubuo ng 28 titk na kung saan ang pagbasa nito ay halintulad rin sa pagbasa ng alpabetong Ingles. Ito ang kasalukuyang ginagamit natin ngayon—na siyang nagpapayaman at nagpapalawig pa sa wikang Filipino.

Ang ebolusyon ng Pam-bansang Wika ng Pilipinas ay naging bahagi rin ng kurikulum ng iba’t ibang paaralan sa Pilipinas. Ang mga estudyante ng mga paaralan ay kinikilala ang salitang “Filipino” bilang ang wikang pambansa, at ang “Tagalog” bilang isang uri ng katutubong salita o dayalekto. Hindi lamang mga asigna-turang Filipino ang meron sa kurikulum ng mga paaralan sa Pilipinas, nariyan rin ang mga asignaturang Ingles at iba pang klase ng aralin na siyang nagtuturo rin ng iba’t-ibang lenguwahe ng iba’t ibang bansa. Sa ibang dako naman ng daigdig, tulad ng Amerika, ang mga Philippine Schools ay mayroon ding mga klase sa Filipino na siya namang nagtuturo sa kanila ng sarili nating wikang pambansa.

Imperyalismong Tagalog

Kahit na dumaan na sa maraming salin o pagbabago ang tawag sa wikang pambansa—mula sa Tagalog, na naging Pilipino (na base pa rin sa Tagalog ), na ngayon ay Filipino na—marami pa rin ang nasanay na sa pagtawag ng Tagalog bilang pambansang wika, mapabanyaga man o katutubong Pilipino. Ang kaisipang ito ay tinawag ni Prof. Leopoldo Yabes na “Tagalog Imperialism.”
Ang pangyayaring ito ay ikinasama rin ng loob ng ilan nating kababayan na di-Tagalog. Sa tingin nila, hindi nabibigyan ng pansin ang ilan pang malalawak na gamiting wika tulad ng Ilokano at Cebuano. Nagbigay daan din ito sa pagpapalit ng mga konsepto ng wikang pambansa.

Sa ibang bansa, napansin ninyo ba na mas kilala ang salitang “Tagalog” kaysa sa Filipino bilang pangunahing wikang pambansa ng Pilipinas? Ang salitang Filipino para sa mga banyaga, ay isa lamang klase ng pang-uri. Ngunit ang ganitong pagkakakilanlan nila sa salitang Filipino ay hindi nagbibigay ng malaking pagkakaiba sa salitang Pilipino at Tagalog—gaya ng pagkakakilanlan ng mga Amerikano at maging ng mga Canadian.

Pilipino o Filipino?

Ngayon, malinaw na ba sa isipan ng lahat ang pinagkaiba ng salitang Filipino sa Pilipino? Para sa mga naguguluhan pa, ang wikang Filipino ay tinaguriang “Tagalog-plus” na kung saan ito ay binubuo ng iba’t-ibang banyagang salita maliban sa Tagalog. Ito rin ang nagbibigay lawak sa ideya ng makabagong diksyunaryong Filipino, na kung saan ang salitang Ingles na Dictionary at Espanyol na Diccionario ay maaari na ring gamitin sa wikang Filipino bilang “diksyunaryo.” Ngunit para sa mga malamim managalog o mas kilala sa tawag na “purist,” ang salitang dictionary ay ang “talatinigan.” Ilan pa sa mga halimbawa nito ay ang kompyuter, kwalipikasyon, okasyon, indibidwal, sipilis, at iba pa na galing sa mga salitang Ingles tulad ng computer, qualification, occasion, individual, at syphilis.

Ngunit para sa mga eksperto, mas maiging tawaging “Filipino” at hindi “Tagalog” ang sarili nating wika. Ito ay upang magbigay galang o konside-rasyon sa mga kababayan nating hindi ginagamit ang wikang Tagalog bilang kanilang pangunahing salita.

Ang hinaharap ng wikang Filipino

Sa kasalukuyan, masasabi pa ring dapat ituloy ang paglinang sa wikang Filipino at nararapat lamang na ito ay lubusan pa ring pagyamanin. Isa sa pinakamalaking hamon na kinakaharap ng ating wika sa kasalukuyang panahon ay ang pagiging intelektwa-lisado nito. Pinaniniwalaan na ilang dekada pa ng masin-sinang pag-aaral at pagpa-patupad ang kinakailangan para maisakatuparan ang adhikaing ito. Kailangan munang maisalin sa Filipino ang lahat ng kaalaman at mga konsepto na pinag-aaralan ng mga Pilipino mula elementarya hanggang kolehiyo. Sa ngayon, hindi makakatapos ng pag-aaral ang isang Pilipino na wikang Filipino pa lamang ang kayang salitain sapagka’t maraming termino sa agham, matematika, algebra, medisina, trigonometri, at pisika ang wala pa ring katumbas o “counter-part” sa Filipino. Isa pa, ang mga kaalamang ito ay hindi rin nagmula sa sarili nating bayan kaya karamihan ng mga aklat, ensayklopedia, at mga diksyunaryo na ginagamit natin ngayon sa pag-aaral ay nakalimbag sa wikang Ingles. Panitikan pa lamang ang aspeto ng wikang Filipino ang intelektwalisado sa ngayon.

Ito ang dilemma ng pagiging intelektwalisado ng wikang Filipino: Kailangang palitan ng Filipino ang wikang Ingles bilang pinakagamiting wika sa ating bansa; ngunit para mangyari ito, kailangan munang maging intelektwalisado ang wikang Filipino.

Quezon: Ama ng Wikang Pambansa, Letranista

Si Manuel Luis Quezon ay isinilang noong ika-19 ng Agosto, taong 1978 sa Baler, Tayabas (ngayo’y Quezon). Siya ay anak ng mag-asawang Lucio Quezon at Maria Dolores Molina, dalawa sa pinakapipitangang mamamayan sa kanilang lugar.

Sa edad na lima, si Manuel ay tinuruan ng kanyang inang magbasa at magsulat sa wikang Espanyol at tinuruan din siya ng huli ng katekismo. Sa edad namang pito, nag-aral naman siya ng relihiyong Katolika sa pangunguna ni P. Teodoro Fernandez. Kabilang din sa mga pinag aralan niya na kasama ang pari ay ang mga asignaturang Latin at Heograpiya.

Mula pagkabata ay kinakitaan na ng potensiyal si Manuel na maging isang mabisang pinuno ng mga tauhang naniniwala at nagtitiwala sa kanya. Siya ay isang batang may tiwala sa sarili, interes sa pagkatuto, at handang magbigay tulong sa kapwa. Ngunit kabila ng mga ito ay hindi nawawala ang kanyang pagiging masiyahin. Si Manuel ay may ng tamang pag-uugali na sinamahan din ng di matatawarang kakisigan.

Matapos makakuha ng sapat na kaalaman mula sa kanyang mga magulang at ilang guro, si Manuel ay nagpunta sa Maynila upang mag-aral. Labing-isang taong gulang siya noon nang siya ay pumasok sa Colegio de San Juan de Letran kung saan siya’y nabigyan ng parangal sa Batselor ng Sining noong 1894. Itinuloy niya ang pag-aaral ng Batas sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Ngunit bago pa man matapos ng Jurisprudence si Quezon, sumabog ang rebolusyon. Siya ay sumapi sa pwersa nina Heneral Emilio Aguinaldo at nakipagdigmaan sa Tarlac, Pampanga, at Bataan. Dahil na rin sa ipinamalas na katapangan at kagitingan, itinaas ang kanyang rango mula sa pagiging Ikalawang Tinyente sa pagiging Kapitan at nang lumaon ay naging Major.

Pagkatapos ng rebolusyon, bumalik si Quezon sa Santo Tomas at itinuloy ang kanyang pag-aaral at nakakuha ng ikaapat na pinakamataas na marka sa Bar noong 1903.

Si Quezon ay nagtrabaho bilang klerk at nang lumaon ay naatasang maging Piskal sa bayan ng Mindoro at Tayabas. Siya ay nanalo bilang konsehal sa Tayabas at nang tumakbong Gobernador ay nanalo noong 1906. Isang taon ang lumipas at siya’y nahalal bilang Majority Floor Leader ng Unang Asemblea ng Pilipinas at naging Chairman ng Committee on Appropriations. Mula 1909 hanggang 1916, siya ay nag-silbing Komisyoner ng Pilipinas para sa U.S House of Representatives.

Si Quezon ay naging Senador noong 1916 at naging pangulo ng Senado hanggang 1935. Nang taon ding iyon ay nanalo si Manuel Quezon bilang Pangulo ng Pilipinas laban kina Emilio Aguinaldo at Obispo Gregorio Aglipay.
Matapos ang pananakop ng mga Hapones sa bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lumipad patungong Amerika si Quezon. Siya ay dinapuan ng sakit na tuberkulosis at pumanaw noong ika-1 ng Agosto, taong 1944 sa Saranak Lake, New York. Bilang pagkilala sa pumanaw na Pangulo, inilibing siya sa Arlington National Cemetery kung saan tanging mga bayani lang ang nakahimlay. Matapos ang dalawang taon, dinala sa Pilipinas ang kanyang mga labi at inilibing sa Manila North Cemetery at inilipat namang muli sa Quezon Memorial Circle.

Si Quezon ay naikasal sa kanyang pinsan na si Aurora Aragon at nagbunga ng apat na anak na sina Maria Aurora, Maria Zeneida, Luisa Corazon Paz at Manuel Jr.

Wednesday, May 28, 2008

Kakatuwa:) hehehehe

Panitikan

Ang panitikan ay ang pagsulat ng tuwiran o tuluyan at patula. Subalit upang maipagkaiba ito mula sa ibang mga walang saysay na babasahin o patalastas lamang, ang mga panitikan ay ang mainam na pagsulat na may anyo, pananaw, at diwang nakasasanhi ng matagal na pagkawili at gana. Samakatuwid, may hugis, may punto de bista at nakapagpapahaba ng interes ng mambabasa ang isang sulating pampanitikan.

May dalawang pangunahing anyo ang panitikan:

tuluyan o prosa (Ingles: prose) - maluwang na pagsasama-sama ng mga salita sa loob ng pangungusap. Ito ay nasusulat sa karaniwang takbo ng pangungusap o pagpapahayag.
patula o panulaan (Ingles: poetry) - pagbubuo ng pangungusap sa pamamagitan ng salitang binibilang na pantig sa taludtod na pinagtugma-tugma, at nagpapahayag din ng mga salitang binibilang ang mga pantig at pagtutugma-tugma ng mga dulo ng mga taludtod sa isang saknong.

Mga akdang pampanitikan
Mga akdang tuluyan
Alamat
Anekdota
Nobela
Pabula
Parabula
Maikling kwento
Dula
Sanaysay
Talambuhay
Talumpati
Balita
kwentong bayan

Mga akdang patula
Mga tulang pasalaysay - pinapaksa nito ang mahahalagang mga tagpo o pangyayari sa buhay, ang kagitingan at kabayanihan ng tauhan.
Awit at Korido
Epiko
Balad
Sawikain
Salawikain
Bugtong
Kantahin
Tanaga

Araw ng Kalayaan




Nalalapit na naman ang paggunita natin ng Araw ng Kalayaan.Ito'y sa buwan ng Hunyo 12.Ganumpaman, ang araw na ito ay gugunitain sa Hunyo 9 bilang isang "Holiday" kung kayat walang pasok ang araw ng Lunes.Ang mahalaga ay maisapuso natin at mabigyang halaga ang mga ginawang kabayanihan ng ating mga bayani.

Mga kawikaíng Inglés na isinalin at ipinaliwanag sa wikang Filipino


Pork Barrel
Baríles ng Karné ng Baboy


Sa larangan pa rin ng pulitiká: ang pinagmulán ng pariralang pork barrel ay malapit sa pinanggalingan ng carpetbagger. Ang pork barrel ay salapî ng pámahalán na ginagamit ng isáng pulitikó para sa mga proyekto sa kaniyáng purók upang bumangó ang kaniyáng pangalan at maihalál siyáng mulî. Kadalasan ang mga proyektong itó ay hindî naman kailangan sa kaniyáng purók at ang pera ay ibinubulsá lamang niya at ng kaniyáng mga alipores o crony.

Malamáng na nanggaling ang katagáng pork barrel sa panahón bago pa ng Civil War sa U.S. Noón ay nagpapamudmód ng inasnáng baboy mula mga naglalakihang bariles para sa mga aliping itim. Kadalasan, ang mga bariles ng inasnang baboy ay pinagkakaguluhan ng mga aliping nagdaragsaán at nag-aagawan upang makakuha ng mas marami para sa sarili.

Break a leg
Mabalì sana ang isá mong bintî?


Malas daw kung sasabihing “Good luck” o “Palarin ka sana” sa isáng performer bago siyá magpalabás. Sa halíp nitó, ayon sa pamahiin, ang taong babatì ay dapat magkunwaríng malas ang inaasahan niyáng mangyayari sa palabás ng performer. Kayâ, nagíng uso ang pabiróng sumpáng break a leg o mabalì sana ang isá mong bintî ngunit hindî namán masamâ ang ibig sabihin nitó.

I was confused for a moment before the show when she said to me, “Break a leg!” But then I realized that she was actually wishing me good luck.

The apple of your eye
Ang mansanas ng iyóng matá?


Ang tawag sa pinakamamahál mo ay apple of your eye. Noóng unang panahón, apple ang tawag sa balintatáw o pupil ng matá. Itó ang itím na bilog na nasa kalagitnaan ng ating mga matá. Alikmatá ang isá pang pangalan nitó.

When we were young, my brother was the apple of my mother’s eye.

Hit the roof
Hampasín ang bubóng?


Ang pariralang (phrase) hit the roof ay tumútukoy sa isáng taong nagagalit. Pumapasok sa isip natin ang isáng taong lumúlundág, pumúputók o dî kayá’y lumílipád gaya ng isáng kuwitis dahil sa matindíng galit hanggáng mauntóg siyá sa bubóng o kísamé.

When Dad sees what happened to the car, he is going to hit the roof!

Saturday, May 24, 2008

Tagapaggabay



Ito ngayon ang labis kong pinagkakaabalahan...ang paggawa ng bulletin board sa aking "advisory class". Napakagulo pa. Buti na lang nandyan sina T. JC para gabayan ako sa pagsasaayos ng kwarto ko...Salamat din sa aking Level Leader na si T. Alexix...Sana huwag kayong makulitan sa mga mararami kong katanungan.Ganito lang talaga ako...matanong.hehehehe.Sa Hunyo 5 na ang araw na kailangan tapos ko na ang pagasasaayos. Salamat sa iyo T. Leslie...sa mga "Donation"hehehe...

Pasasalamat Sa Iyo Ama...

Usap tayo!







Friday, May 23, 2008

Samahan....


Masaya ako't nakilala ko sila. Sila na bago kong kasamahan sa SSA ( School of Saint Anthony) . Ito ay kinuha pagkatapos ng aming ensayo sa sayaw. Ako siyempre ang nakaupo sa sahig sa kaliwa. Maraming araw na puno ng kasiyahan ang dumating sa amin ngunit may araw din na para bang nakakapanghinayang. Mahirap ipaliwanag ngunit lilipas din naman ang araw na makakalimutan ko ang malungkot na araw na iyon. Sana magtagal ang aming samahan na puno ng kasiyahan. Salamat sa inyo:)

Wednesday, May 21, 2008

Bakit ba Gabay ng Wika?

Ang GAWI (Gabay ng Wika) ay binuo upang gisingin ang interes at kamalayan ng mga mag- aaral at ng bawat Pilipino sa kahalagahan ng ating sariling wika, ang wastong paggamit ng Balarilang Filipino, pagpapayaman nito, gayundin ang pagpapatupad sa mga proyektong magpapamalas ng pagpapaunlad sa ating wika. Ito ay may layuning makapagbigay halaga sa Wikang Filipino at sa sariling literatura ng bansa at makatulong sa pag-unlad ng bawat mag-aaral at kapwa ko Pilipino na may hangaring makilala nang lubusan ang ating wika.

Tuesday, May 20, 2008

Ano ba ang Wika?

Wika

(Mula sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya)

Ang wika ay isang bahagi ng talastasan. Ito ay ang kalipunan ng mga simbolo, tunog, at mga batas kaugnay nito upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan.

Ang wika ay isang pamamaraang ginagamit sa pagpapa-abot ng kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsulat. Isang likas na makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan, damdamin at mga hangarin sa pamamagitan ng isang kaparaanang lumikha ng tunog. Isang kabuuan ng mga sagisag sa paraang binibigkas na sa pamamagitan nito ay nagkakaugnay, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang mga kaanib ng isang pulutong ng mga tao.


Katangian ng wika

Ang wika ay may balangkas.
Ang wika ay binubuo ng makahulugang tunog.
Ang wika ay pinipili at isinasa-ayos.
Ang wika ay arbitraryo.
Ang wika ay nakabatay sa kultura.
Ang wika ay ginagamit.
Ang wika ay kagila-gilagis.
Ang wika ay makapangyarihan.
May antas ang wika.
May pulitika ang wika.
Ang wika ay buhay.
Ang wika ay pantao

Mga kaantasan ng wika
Kolokyal / Pambansa - ordinaryong wika na ginagamit ng mga kabataan sa kanilang pang-araw-araw na pakikipag-usap na kadalasan ay malayang pinagsasama ang Ingles at Wikang Filipino.

Kolokyalismong Karaniwan - Ginagamit na salita na may "Taglish"
Kolokyalismong may Talino - Ginagamit sa loob ng Silid-Aralan / Paaralan
Lalawiganin / Panlalawigan - Wikang ginagamit ng isang partikular na lugar o pook.
Pabalbal / Balbal - pinakamababang uri ng wikang ginagamit ng tao. ito ay nabuo sa kagustuhan ng isang partikular na grupo na nagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan. (Salitang Kalye)
Pampanitikan - wikang sumusunod sa batas ng Balarila at Retorika.

Filipino ba o Tagalog???

Nakakainis isipin na marami sa ating Pilipino ang patuloy na minamaliit ang ating wika.Minsan nga may nakapagsabi sa akin kung bakit daw ako nagpapakadalubhasa sa Filipino ,simple lang dahil gusto kong makilala nang lubusan ang ating wika dahil ako ay isang Pilipino.E, ganun na nga raw, Pilipino naman daw tayo pero bakit kailangan pang pag-aralan, e ang dali-dali lang naman. Buti na lang at nakapagtimpi ako at ito ang aking nasabi "Iginagalang ko po ang inyong opinyon,sana po maliwanagan kayo sa inyong sinasabi."--- hay....sa isip-isip ko, tanungin ko kaya ito kung sino ang Ama ng Balarila baka mapanganga siya na may kasamang kamot sa ulo.
Maiba tayo,bakit kaya ang Pinoy kapag tinanong mo kung ano ang Wikang Pambansa, madalas ang sagot nila ay Tagalog? Tama ba???Sigurado ka???


Pakibasa po ito- http://tl.wikipedia.org/wiki/Wikang_Filipino

Napagtanto

Lumipas na naman ang buong maghapon. Hindi ko namamalayan ang takbo ng oras dahil sa dami kong ginagawa. Mabuti na lang at marami akong natutunan mula sa "in-service training" ko ngayon sa SSA. Napagtanto ko na maraming paraan para maiwasan ang stress.Napakaimportante talaga nito lalo na sa mga may mabibigat na trabaho gayundin sa mga taong madalas mag-isip ng mag-isip. Isa lang naman ang pinakatinandaan ko na ang stress ay lubos na maiiwasan kung meron ka nito - POSITIBONG PANANAW SA LAHAT NG BAGAY. Madaling isipin ngunit mahirap gawin...pero unti-unti makakaya natin ito.

Sunday, May 18, 2008

Pagusbong....

Araw ng Lunes...Mayo 19, 2008.Ito ang simula ng kauna-unahan kong pormal na "blog site". Napakaaga kong nagising ,alas-tres ng umaga para maghanda na naman sa maasikasong araw. Kailangan ko pang ipalista ang aking bunsong kapatid na si Melanie sa papasukan niyang mataas na paaralan. Sandaling oras lang naman iyon. Agad akong pupunta sa papasukan kong paaralan sa School of Saint Anthony sa Lagro para makipagkita at makausap ang aming "Level Leader" . Sana mabilis lang nang sa gayo'y maayos ko naman ang silid-aralan ng magiging "advisory class" ko. Pagdating ng hapon, sa ganap na alas-dos, pagsasanay naman sa sayaw ang dapat na asikasuhin para sa paghahanda bukas sa "in-service training" na dadaluhan ng lahat ng guro. Naku, nakakahiya... sana hindi ako magkamali. Ganunpaman, kahit napakaraming gagawin sa loob ng isang Linggo, masaya ako dahil napakaraming biyayang dumarating sa akin bilang isang baguhang guro. Salamat Ama. Magandang Umaga!:)