Translate

Sunday, October 2, 2011

Ang Kaligirang Pangkasaysayan ng Alamat

Ang salitang alamat ay panumbas sa “legend” ng Ingles. Ang
katawagan namang ito ay nagmula sa salitang Latin na “legendus”, na ang
kahulugan ay “upang mabasa”.
Noon pa mang 1300 AD ( After Death ), ang ating mga ninuno, na
kilala sa katawagang Ita, Aetas, Negrito o Baluga ay may sarili ng mga
karunungang-bayan, kabilang ang alamat. ( Sila ang mga taong walang
permanenteng tirahan.) Ayon sa mga heologo ( geologists ), nakuha o
nalikha nila ang mga ito dahil sa kanilang pandarayuhan sa iba’t ibang
lupain sa Asya. Dahil sa wala silang sistema ng pamahalaan ( bunga
marahil ng kakauntian ), panulat, sining, at siyensya, ang mga ito ay
nagpapasaling-dila o lipat-dila lamang.
Pagkalipas ng 4,000 taon dumating sa ating kapuluan ang mga
Indones na may dalang sariling sistema ng pamahalaan, panitikan at
pananampalatayang pagano. Ang matatandang alamat ng ating mga
ninuno ay nalangkapan ng kanilang mga katutubong alamat na ang
nilalaman ay tungkol sa mga anito, buhay ng mga santo at santa, bathala,
at pananampalataya sa Lumikha.
Sumunod na nandayuhan sa ating kapuluan ang mga Malay.
Katulad ng mga Indones, sila rin ay may pananampalatayang pagano.
May dala rin silang sariling mga alamat, kwentong-bayan at mga
karunungang bayan. Sila rin ang nagturo sa ating mga ninuno ng alpabeto
na tinatawag na Alifbata o Alibata. Dahil dito, ang ilan sa ating mga alamat
na pasaling-dila o bukambibig lamang ay naisatitik ng ating mga ninuno sa
mga kawayan, talukap ng niyog, dahon, balat ng kahoy, at maging sa mga
bato sa pamamagitan ng matutulis na kahoy, bato, o bakal. Sa panahong
ito, higit na lumaganap ang mga alamat hinggil sa pananampalatayang
pagano at sumibol ang “Maragtas” at “Malakas at Maganda”.
Nandayuhan din sa ating kapuluan ang mga Intsik, Bumbay, Arabe at
Persyano. Ang mga ito ay may mga dala ring kani-kaniyang kultura na
nakaambag sa patuloy na pag-unlad ng mga alamat sa ating kapuluan. Sa
mga panahong ito higit na umunlad ang wika at panulat ng ating mga
ninuno kaya’t marami sa mga alamat ang naisulat at naipalaganap.
Gayunpaman, nakahihigit pa rin ang mga alamat na nagpasalin-salin sa
bibig ng mga taong-bayan.
Sumunod na nandayuhan sa ating kapuluan ang mga Espanyol na
may layuning mapalawak ang kanilang kolonya, at magpalaganap ng
pananampalatayang Kristyanismo. Ipinasunog ng mga prayleng Espanyol
ang mga naisulat na panitikan ng ating mga ninuno. Ang iba’y ipinaanod
sa ilog sapagkat ayon sa kanila ang mga iyon raw ay gawa ng demonyo.
Ngunit ang mga alamat at iba pang panitikang nagpasalin-salin lamang sa
bibig ng mga taong-bayan ay hindi nila masira. Nanatili ang mga
alamat...nakitalad, nakipagsubukan sa mahaba at masalimuot na
panahon at nanatiling buhay hanggang sa kasalukuyang.