Translate

Sunday, July 3, 2011

PANG-ABAY

Pang-abay – nagbibigay-turing sa pandiwa, pang-uri at iba pang pang-abay.
Halimbawa:
1. Tumakbo nang mabilis ang atleta.

2 Pangkat ng Pang-abay
1. Mga katagang pang-abay o ingklitik
2. Mga pang-abay na binubuo ng salita o parirala

16 na katagang pang-abay o ingklitik
ba daw/raw tuloy pa
kasi din/rin nga
kaya naman lamang/lang
na yata man
sana pala muna


Pang-abay na Pamanahon
• nagsasaad kung kailan naganap, nagaganap o magaganap ang kilos na taglay ng pandiwa. (nang, sa noong, kung, kapag, tuwing, buhat, mula, umpisa,hanggang) / (kahapon, kangina, ngayon, mamaya, bukas, sandali atbp.)

Halimbawa:
1. Tuwing Pasko ay nagsasalu-salo ang mag-anak sa noche buena.
2. Kung araw ng Linggo ay nagsisimba ang kanilang mag-anak.
3. Manonood kami bukas ng pagtatanghal sa CCP.

Pang-abay na Panlunan
• tumutukoy sa pook na pinangyarihan, pinangyayarihan o pangyayarihan ng kilos ng pandiwa. (sa, kay o kina)


Halimbawa:
1. Masasarap na ulam ang itinitinda sa cafetorium.
2. Maraming nagsasaliksik sa silid-aklatan.
3. Siya ay nagsaing sa kaldero.

Pang-abay na Pamaraan
• naglalarawan kung paano naganap, nagaganap o magaganap ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa. (nang, na, -ng)
Halimbawa:
1. Niyakap niya nang mahigpit ang kanyang ina.
2. Mabilis na tumakbo ang bata.
3. Natulog siya nang patagilid.

Pang-abay na Pang-agam
• tawag sa mga pang-abay na nagbabadya ng di-katiyakan sa pagganap sa kilos ng pandiwa. (marahil, siguro, tila, baka)

Halimbawa:
1. Marami na marahil ang nakakaalam sa pasya ng Sandiganbayan.
2. Tila patuloy na ang pag-unlad ng turismo sa Pilipinas.
3. Waring natutupad din ang kanyang mga pangarap.

Pang-abay na Kundisyunal
• nagsasaad ng kundisyon para maganap ang kilos na isinasaad ng pandiwa. (kung,kapag, pag, pagka-)

Halimbawa:
1. Kapag dumating na ang eleksyon, siguradong di-maiiwasan ang kaguluhan.
2. Maraming dolyar ang papasok sa bansa kapag nakapagbibili na tayo ng langis sa ibang bansa.
3. Makakamit ang pagbabagong inaasam kung buong-puso tayong makikiisa sa pagkilos.

Pang-abay na Panang-ayon
nagsasaad ng pagsang-ayon. (oo,opo,tunay,talaga)

Halimbawa:
1. Tunay na maraming Pilipino ang naghihirap sa kasalukuyan.
2. Opo, asahan niyo ang aking pagtulong.
3. Talagang mabilis ang pag-unlad ng turismo.

Pang-abay na Pananggi
• mga pang-abay na nagsasaad ng pagtanggi. (hindi, di, ayaw)

Halimbawa:
1. Hindi pa lubusang nasusugpo ang kahirapan.
2. Ngunit marami parin ang ayaw tumigil sa paninigarilyo.
3. Di itinatanggi ng akusado ang paratang sa kanya.

Pang-abay na Panggaano o Pampanukat
• mga pang-abay na nagsasaad ng timbang o sukat.

Halimbawa:
1. Tumaba ako nang limang libra.
2. Pinabawasan niya nang isang metro ang telang binibili niya.
3. Tumagal ng dalawang oras ang paglalakad ng mga kalahok sa parada.

Pang-abay na Kusatibo
• tawag sa pang-abay na nagsasaad ng dahilan sa pagganap sa kilos ng pandiwa. (dahil, dahil sa)
Halimbawa:
1. Nagkasakit siya dahil sa pabago-bagong panahon.
2. Napapaniwala ko sila dahil dito (larawan).

Pang-abay na Benepaktibo
• tawag sa mga pang-abay na nagsasaad ng benepisyo para sa isang tao dahil sa pagkaganap sa kilos ng pandiwa o ng layunin ng kilos ng pandiwa.

Halimbawa:
1. Maglugaw ka para sa maysakit.
2. Magbenta ka ng mga lumang gamit para kumita ka at lumuwag ang iyong kwarto.

Pang-abay na Pangkaukulan
• pinangungunahan ng tungkol, hinggil o ukol.

Halimbawa:
1. Nagplano kami tungkol sa gaganaping Christmas party.
2. Nagtapat siya sa kanyang kapatid hinggil sa totoong nangyari.

4 comments:

Anonymous said...

Ok sana ang website kasi useful kaya lang mahirap basahin ang font :)

Anonymous said...

thanks.. it helps alot.

Anonymous said...

isa akong blogger na nagsisimula pa lamang na may katulad na nilalaman, kakatwang may mga blogger na katulad mo kung gumagawa ka ng blog na makakatulong sa mga estudyanteng nangangailanga ng tulong pang akademko. Ang maipapayo ko lang ay gumamit ka ng mga disenyong madaling basahin. Pagbuthin mo pa upang dumami ang mahikayat sa bloging o mga halintulad. sa pangkalahatan ang masasabi ko lamang ay MAGALING!! =)

Eda Rose said...

ano po ang kahulugan ng pang-abay na pangkaukulan...hindi ko po lubos na maunawaan...