Translate

Tuesday, January 26, 2010

Sakop ng Ikatlong Lagumang Pagsusulit

1. F at L Aralin 23-30
2. Kaantasan ng Pang-uri
3. Elemento ng Tula
4. Pakikinig

Pakikinig

Pakikinig
--Ito ay isang aktibong proseso ng pagtanggap ng mensahe sa pamamagitan ng pandinig at pag-iisip. Aktibo ito dahil nagbibigay-daan ito sa isang tao na pag-isipan, tandaan at suriin ang kahulugan at kabuluhan ng mga salitang kanyang napakinggan.
 Ang pakikinig, samakatuwid, ang pag-unawa sa kahulugan ng mga tunog na napakinggan. Nangangahulugan ito ng pakikinig nang may layunin- ang pag-unawa sa kahulugan ng mga salita at pangungusap na narinig. Inuunawa ang mga katotohanan at ideya na nakapaloob sa mga salitang napapakinggan.
 Natatamo ang pag-uunawa sa pamamagitan ng ating isipan. Isang aktibo itong kasanayan sapagkat may nagaganap sa isipan ng isang tao habang nakikinig. Ipinoproseso ng kanyang isipan ang mga bagay na kanyang napapakinggan hanggang sa maunawaan niya ang kahulugan ng mga ito.Napakahalaga ng pag-unawa sa proseso ng pakikinig.

PAGKAKAIBA NG PANDINIG AT PAKIKINIG
Bagama’t magkaugnay, may pagkakaiba ang pandinig(hearing) at pakikinig(listening).
Sa level ng pisikal na pandinig sapagkat isang kapasidad ito para matukoy ang tunog na mabubuo sa isang salita. Tumutukoy ito sa ating kakayahang marinig ang anumang tunog sa pamamagitan ng ating mga tainga.
Samantala, isang proseso ng pag-iisip na may layunin na unawain ang kahulugang nakapaloob sa mga tunog na pinakikinggan ang pakikinig.
Bagama’t magkaiba ang pandinig at pakikinig, magkaugnay ang dalawa sapagkat hindi maaaring mangyari ang tunay na pakikinig kung walang pandinig. Preliminaryong hakbang sa pakikinig ang pandinig.

PROSESO NG PAKIKINIG

Sinasabi ni Kline(2006) na ang pakikinig ay isang kompleks na proseso. Ito ay dumadaan sa tatlong magkakasunod na hakbangin: PAGDINIG, ATENSYON, at PAG-UUNAWA.





AND MGA URI NG PAKIKINIG AYON SA LAYUNIN:
1. KASWAL
Pampakondisyon lamang o kaya’y pampalipas oras na nakagawiang pakikinig.
Halimbawa’y nagiisa’t nakasanayan nang may naririnig habang may ibang ginagawa
Hindi seryoso ang ganitong pakikinig kaya walang layunin, tuloy, wala ring matandaan sa napakinggan.


2. Impormal
Karaniwan na ang ganitong uri ng pakikinig sa mga estudyante na tipong napilitan lamang dahil may dapat isagawang rekisito ng isang kurso.
Mangyari pa, may layunin pero pahapyaw lamang tuparin, basta makakuha ng konting impormasyon lamang tungkol sa itinakdang gawain.
3. Kritikal
Kaakibat ng uring ito ang pagiging analitikal, ebalwativ at apresyativ. Masinsin ang level ng pagsusuri, tinitingnan lahat ng anggulo, ang pagkakatulad at pagkakaiba, gayundin ang reaksyon dito’t paghusga, sa gayon, mabigyan ng obhektibong pagpapahalaga.
MGA KABUTIHANG MAIDUDULOT NG AKTIBONG PAKIKINIG
Makinig at pahalagahan ang sinasabi ng kapwa upang mapaamo ang matigas na damdamin
Madaling maunawaan ang posisyon ng iba kung mataimtim na makikinig sa kanya
Maiiwasan ang mga negatibong pagpuna kung ginagamit ang pakikinig sa wastong paraan
Mawawala ang puwang ng di-pagkakaunawaan o di-pagkakasunduan kung nakikinig sa bawat nagsasalita
Madaling matulungan ang kapwa sa pamamagitan ng pakikinig
Matutuklasan ang mgakainaan ng bawat isa tungo sa pagbabago sapagkat masususri at maaanalisa ang mga kahinaan sa pamamagitan ng masusing pakikinig
Mga paraan ng pakikinig

1. Maging handa sa pakikinig.
2. Kilalanin ang mga pangunahing kaisipan.
3. Huwag punahin ang tagapagsalita.
4. Huwag punahin agad ang mensahe.

MGA SALIK NA NAKAKAIMPLUWENSYA SA PAKIKINIG
May pitong salik na lubhang nakakaimpluwensya upang maging epektibo ang pakikinig.

1. Oras o Panahon – may tinatawag na oras de peligro at mga panahon na malaking hadlang sa pakikinig. Halimbawa nito ay ang alas dose hanggang alos dos na syang nakakaantok, kapag malamig naman ang panahon ay talagaang nakakaantok, at kapag mainit nama’y hindi ka komportable at marami pa na syang humahadlang sa ating pakikinig.
2. Edad – mainiping makinig ang mga bata ngunit mas mahusay ang kanilang memorya samantalang sa matatanda nama’y matyagang makinig kaya’t mas naiintindihan nila ang kanilang pinapakinggan
3. Kasarian – mahaba ang pasensya ng mga babae sa pakikinig dahil interesado sila sa mga detalye ng mga ideya. Samanatalang ang mga lalake nama’y madaling mabagot at ibig nila ang diretsong pagpapahayag.

4. Tsanel – ang tsanel ay ang daluyan ng komyunikasyon. Sa pamamagitan nito, ang mensahe mula sa enkowder ay naipapadala sa decoder. Sa kaso ng pakikinig, ang hangin ang daanan ng mensahe.
5. Lugar o Kapaligiran – isang lugar na malinis, tahimik, maliwanag, at malamig ang kailangang kapaligiran upang efektibong makapakinig ang isang indibidwal. Malaki ang magagawa na kapaligiran at sitwasyong kinaroroonan ng tagapakinig sa paraan ng kanyang pakikinig.
6. Kultura – may sagabal sa pag- uunawa ng mga konseptong naririnig kung iba ang kultura ng nakikinig. Maaaring asahan na higit na mahusay na tagapakinig ang taong naturuan ng tamang asal tulad ng paggalang sa kapwa at may sariling disiplina.
7. Konsepto sa sarili – maaaring ang taing may malawak na kaalaman ay magkaroon ng sagabal sa pakikinig sapagkat mataas ang pananaw sa sarili, at dahil dito, ang ilang maririnig ay maaaring hindi paniwalaan o maunawaan dahilan sa taglay na konsepto sa sarili.

Sa pag-aaral na isinagawa mas maraming oras ang nagagamit ng tao sa pakikinig kaysa sa pagsasalita dahil mas madalas ay mas gusto pa niya ang makinig kaysa sa magsalita.
Lalo na ang mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan. Mas gusto pa ang makinig sa talakayan ng guro at kapwa mag-aaral kaysa aktibong makilahok sa kanila.
45% ay nagagamit sa pakikinig
30% ay sa pagsasalita
16% ay sa pagbabasa
9% sa pagsulat
Anuman ang mga tanong na ipasasagot sa atin ay tiyakang matutugon natin kung maayos, malinaw at wasto ang ginagawa nating pakikinig. Magiging malawak ang kaalaman natin dahil sa pakikinig.

Anim na Kahalagahan ng Pakikinig :
Ang pakikinig ay isang mabilis at mabisang paraan ng pagkuha ng impormasyon kaysa sa tuwirang pagbabasa.
Ang pakikinig sa kapwa ay daan upang ang bawat isa ay magkaunawaan at magkaroon ng mabuting palagayan.
Sa pakikinig kinakailangan ang ibayong konsentrasyon sa pag-unawa, pagtanda o paggunita sa narinig.
Nakakatulong sa pagpapalawak ng kaalaman ng tao ang pakikinig.
Ang pakikinig sa sinasabi ng kausap ay maaaring makatulong upang maunawaan ang damdamin, kaisipan at maunawaan ang kanyang kinikilos, gawi at paniniwala. lumilikha rin ito ng pagkakaisa sa anumang uri ng grupo sa loob ng isang pamilya, pamayanan, paaralan o pamamalakad man ng isang uri ng pamahalaan.
Ang hindi pakikinig ng isang miyembro sa sinasabi ng kanyang pinuno ay maaaring magdulot ng ‘di pagkakaunawaan at pag-aalitan.

Iba Pang Kahadlangan sa Mabisang Pakikinig:
1. Lugar o Kapaligiran
Ang tahimik at malamig na lugar ay lubusang nakahihikayat at nakapagpapataas ng level ng konsentrasyon ng isang tagapakinig ng isang panayam.
Ang mainit, maliit at magulong lugar ay nagdudulot ng pagkainis at kawalang ganang makinig ng mga tagapakinig.
2. Oras
Ang isang tagapakinig na tawagan sa hatinggabi o sa madaling- araw ay di kasing linaw ng pakikinig niya sa oras na gising na gising na ang kanyang kamalayan.
May mga oras na de-peligro rin tayong tinatawag, ang isang nagbibigay ng panayam na malapit na sa oras ng tanghalian ay din na rin epektibo sa mga tagapakinig.
Ang mga estudyante na may klase sa umaga ay mas aktibong tagapakinig kaysa mga estudyante panghapon.
3. Mga Kagamitan at Tsanel
Paggamit ng instrumento sa paghahatid ng mensahe ay malaking tulong upang magkaunawaan gaya ng cellphone, telepono, mikropono, radyo atbp.
Epektibo pa ring tsanel sa pagpaparating ng mensahe ay ang personal na pakikipag-usap kaysa sa paggamit ng instrumento dahil malinaw na masasabi ang mensahe gayon din ang kanyang emosyon
4. Distansya
Pag malayo ang kausap, anumang sigaw di maririnig, marinig ma ay bahagya’t di pa maintindihan. Pag naman sobrang lapit nagkakailangan. Yuon lamang tamang distansya
5. Kasarian
Sinasabing magkaiba ang interes ng mga lalaki at babae
Ang mga lalaking tagapakinig ay ayaw sa babaeng tagapagsalita dahil maligoy masyado sa pagsasalita at maraming sinasabi o ipinaliliwanag na nagiging negatibo para sa kanila kaya hindi pinakikinggan. At gusto rin nilang pinakikinggan ay ang paksang may pansarili silang interes.
Ang mga babae naman ay ayaw sa lalaking tagapagsalita dahil sa may katipiran ng mga ito sa pagbibigay ng paliwanag.
Higit na mahaba ang pasensiya ng babae sa pakikinig kaysa sa mga lalaki dahil madali silang mainip


6. Edad o gulang
Kung bata ang nakikinig ng pahayag, di kailangang mahaba ang pahayag dahil masyadong maikli ang kanilang interes, bukod pa sa kanilang kakulangan sa pang-unawa.
Sa mga may edad na o matatanda na hindi rin ay hindi rin mabuti ang mahabang pakikinig hindi dahil sa nababagot sila kundi dahil sa mga nararamdamang nila sa katawan bunga ng kanila katandaan, katulad ng pag-atake ng rayuma at ang kahinaan na ng kanilang pandinig

7. Timbre Ng Boses

Mga Kasanayan Sa Pakikinig:
Pakikinig para sa kagandahan, kaaliwan at gamit ng musika
Pakikinig para sa pagtukoy ng pamaksang diwa, aral at pagpapahalaga na napapaloob sa isang pahayag o kwentong napakinggan
Pakikinig para makasunod sa tagubilin at panuto kaugnay sa sadyang gawain
Pakikinig para sa paghinuha ng natatanging impormasyon

Mga Takdang- Aralin

Abad Santos
T.A # 1. larawan, tsart
2. Pang-uri
3. Repleksyon 23 at 24
4. liham-pasasalamat
5. balita
6. F at L mp. 167 C at 172- mga tanong sa pag-unawa 1-3
Paalala: Maaari niyo nang simulan ang paghahanda sa inyong huling proyekto sa FIL2- pangkalahatang pagsasadula ng Florante at Laura (class project).

Ihanda ang mga sumusunod :

1. skrip
2. mga magsisiganap(aktor/aktres)
3. mga gagawa ng props, background, costume atbp.
4. mga iba pang kinakailangan sa pagbuo ng malikhaing pagsasadula

Ito ay isasagawa sa loob lamang ng silid-aralan sa huling linggo ng Pebrero.

Saturday, January 16, 2010

Pag-uulat sa F at L

Humanda para sa pag-uulat ng F at L sa Lunes , Enero 18, 2010.
Magsisimula sa Aralin 23...iulat lamang ang talasalitaan, pag-unawa sa nilalaman at pag-uugnay sa lipunan.

Wednesday, January 6, 2010

Takdang Aralin#2

1. Anu- ano ang tatlong kaantasan ng pang-uri? Ipaliwanag at magbigay ng 10 halimbawa sa bawat kaantasan.

Takdang Aralin# 1

1. Gumuhit/ gumupit ng mga paglalarawan sa mga sinauna at makabagong Pilipino.Ilagay ito sa isang short bond paper.
2. Anu-ano ang mga impluwensya ng Espanyol at Amerikano sa edukasyon , pag-iisip at damdamin ng bawat Pilipino? Gumawa ng dalawang tsart.

Sanggunian : Gintong Ani II- p.324