Translate

Monday, June 16, 2014

Breadwinner
(Isang halimbawa ng TALAMBUHAY NA PAIBA)

Musmos pa lamang siya noon nang mamulat sa kahirapan sa buhay. Madalas siyang isama ng nanay niya sa pagtitinda ng Balot sa kahabaan ng Katipunan. Kung minsan naman, nagbabarker  sa may Mc Donalds malapit sa kanilang lugar para makadagdag sa pang-araw-araw nilang gastos sa bahay o kaya’y baon niya sa pagpasok sa Mababang Paaralan sa Batino. Tuwang-tuwa ang nanay niya  kapag malaki ang kinita ni Jose sa pagbabarker o pagbabantay ng kotse ng mga customer sa Mc Donalds. Anim silang magkakapatid at pangalawa siya sa bunso. Sa lugar ng Katipunan isinilang at lumaki si Jose -sa isang squatter area. Family driver ang kaniyang tatay  at sadyang maliit lamang ang kinikita nito kayat napilitan ang  nanay niya na kumayod sa gabi. Kahit bata pa lamang siya noon, batid niya ang paghihirap ng mga magulang para mapag-aral silang lahat at makatawid sa gutom. Malaki ang pasasalamat ni Jose sa kanila dahil napagtapos sila sa elementarya hanggang hayskul. Sa wakas, nagtapos siya  sa Balara High School bilang Top 7 ng graduating class 2003. Napakasaya niya dahil nakatapos siya sa hayskul. Excited na nga si Jose mag-college. Ganumpaman, hindi na nila  kayang pag-aralin ang mga anak sa kolehiyo. Gusto niyang  makatapos. Gusto niyang magkaroon ng magandang trabaho balang araw. Gusto niyang makaalis sa kalagayan nilang hikahos. Gusto niyang  matupad ang kaniyang  pangarap - maging isang COMPUTER ENGINEER. Gusto niyang maging mariwasa ang buhay nila.
Mapalad si Jose dahil natanggap siya bilang iskolar ng ROTARY Club at ng SYDP (Scholarship and Youth Development Program)sa panunungkulan ni Sonny Belmonte bilang Mayor ng QC. Malaking tulong ang pagiging iskolar niya para makapagpatuloy sa pag-aaral kahit sa kursong edukasyon basta makamit lamang ang  kaginhawaan sa buhay. Kahit nag-aaral siya sa kolehiyo,hinangad niyang makatulong na rin sa magulang kayat nagtrabaho siya sa Mc Donalds bilang part-time crew. Pagkatapos ng kontrata niya dito nagpatuloy siyang magtrabaho sa Jollibee, Hidalgo at ang huli sa Jollibee Gagalangin. Pinagsikapan niyang  makatapos sa kolehiyo sa The National Teachers College noong taong 2008. Nag-uumapaw sa saya sa araw ng kaniyang pagtatapos dahil hindi niya akalain na darating ang buong pamilya  at ang kaniyang nobya sa araw ng pagtatapos  sa kolehiyo.Agad naman siyang kumuha ng LET noong Setyembre at sa taong ito, naging lisensyado siyang guro. Ganap na nga siyang guro. Sa School of Saint Anthony,sa Lagro Fairview siya unang nagturo.Dito niya higit na naramdaman na ito ang kaniyang misyon, ang plano ng  Diyos . Sa kasalukuyan, siya ay guro sa isang pampublikong paaralan.



                                              

No comments: