MUNGKAHING PROYEKTO (Pagdulog na Developmental)
Filipino II
TP 2009-2010
Pagsusuri ng mga Piling Maikling Kwentong
Nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Award
I.Rasyunal
Batay sa itinadhanang kompetensi ng Revised Basic Education Curriculum, ang pag-aaral ng Filipino II sa mataas na paaralan ay naglalayong makahubog ng mga mag-aaral na mahuhusay na komyunikeytor ng wikang Filipino sa isang iskolarling pakikipagtalastasan, pasulat man o pasalita. Binibigyang-seguridad ang layuning ito sa pamamagitan ng iba't ibang pagdulog sa pagtuturo at pagkatuto. Kasama na ang pagpapaigting sa pagiging malikhain ng mga mag-aaral.Tinitiyak na ang mga makrong kasanayang pangkomunikasyon ng mga mag-aaral ay napauunlad gamit din ang maraming gawaing tutulay sa iba pang disiplina ng karunungan.
Bunga ng mga konseptong ito, naghanda ang mga guro sa Filipino II ng isang developmental na proyekto na tutugon sa pagsukat sa kaalamang konseptwal at kasanayang saykomotor ng mga mag-aaral sa pag-aaral na kursong nabanggit. Sentro ng proyekto ang mga batayang kaalaman sa pag-aaral ng Maikling Kuwento at Kwentong Pambata na nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Award sa taong 2005-2007.
II.Mga Layunin
Sa paggawa ng proyektong ito ang mga mag-aaral ay inaasahang:
a.nakikilala ang mga batayang detalye ng tiyak na bahagi ng Maikling Kuwento at Kwentong Pambata (Simula,Saglit na Kasiglahan,Suliraning hinahanapan ng lunas, Kasukdulan, Kakalasan at Wakas)na susuriin ng pangkat bilang pasulat at pasalitang ulat ng proyekto,
b.nalilinang ang kakayahan sa pagsasalita ng bawat kasapi ng pangkat sa pamamagitan ng malikhaing pag-uulat o panel discussion,
c.nakasusulat ng isang skrip mula sa napiling kuwento ng pangkat,
d.nakapagsasagawa ng dulang panradyo sa harap ng klase at
e.nakapagpapasa ng kopya ng isinagawang dulang panradyo sa cassette tape o CD .
III.Mga Materyales
Kopya o sipi ng Maikling Kwento o Kwentong Pambata na nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Award 2005-2007
Over Head Projector/ LCD Projector na gagamitin sa pasalitang pag-uulat ng pangkat, cassette recorder
Mga materyales na gagamitin ng mag-aaral sa pagsasagawa ng dramang panradyo(mesa,mikropono,CD player, mga bagay na makalilikha ng sound effects atbp.)
CD / Cassette tape na ipapasa bilang awtput ng mag-aaral
pulang clearbook para sa pasulat na ulat
IV.Pamamaraan
Unang Markahan: Pangkatang Pag-uulat
1.Ang mga mga mag-aaral sa bawat klase ay hahatiin sa limang grupo (8-10 miyembro bawat grupo).
2.Bubunot ang bawat kinatawan ng pangkat mula sa mga sumusunod na limang piling akdang nanalo sa Palanca Memorial Award :
a.“Langaw” ni Kristian Sendon Cordero(2nd Prize for Short Story in Filipino 2006)
b. “Si Intoy Syokoy sa Kalye Marino” (1st Prize for Short Story in Filipino 2006)
c.“Mga Landas ng Pangarap” ni Don Pagusara(1st Prize for Short Story in Filipino 2006)
d.“Junior” ni Sheila De la Cuesta(1st Prize for Children Story in Filipino 2007)
e.“Ang Batang Nanaginip na Siya’y Nakalilipad” ni Ed Maranan(2nd Prize for Children Story in Filipino 2005)
3.Iuulat sa takdang panahon ng bawat pangkat ang mga akdang napili nila. Kinakailangan na sa bawat pag-uulat, matatalakay sa malikhaing paraan ng pagsasagawa ng panel discussion ang mga sumusunod na elemento ng Maikling Kuwento at Kwentong Pambata (Simula,Saglit na Kasiglahan,Suliraning hinahanapan ng lunas, Kasukdulan, Kakalasan at Wakas)na susuriin ng pangkat bilang pasalitang ulat ng proyekto,
4.Bubuo rin ang bawat pangkat ng isang pasulat na ulat (written report) na nagtataglay ng mga elementong tatalakayin sa pasalitang ulat.
5.Sa ngalan ng pagkakapantay-pantay ng gawain, kinakailangang ang lahat ng kasapi ng pangkat ay may bahagi sa pasalitang ulat.(Ang kasanayang ito ang sentro ng proyekto sa unang markahan na siyang bibigyan ng marka)
Halimbawang gawain ng mga kasapi :
a.Pinuno- punong tagapagsalita, tagalagom ng impormasyong ilalahad ng pangkat
b.Mga miyembro : tagapagtalakay ng bawat bahagi ng maikling kuwento
Ikalawang Markahan: Pagsulat ng iskrip at pagtatanghal ng
dramang panradyo sa harap ng klase
1.Mula sa akdang sinuri at inulat ay bubuo ng skrip na naglalaman ng mga detalyeng kinakailangan sa pagsasagawa ng dramang panradyo .
2.Matapos masang-ayunan ng guro ang nabuong skrip ay kinakailangang itanghal muna sa harap ng klase ang gagawing dramang panradyo. Ipapakita na rin sa pagtatanghal ang mga paraan kung paano makalilikha ng iba’t ibang tunog habang umaarte ang ibang miyembro.
Ikatlong Markahan : Pagpaparinig ng ni-record na dramang panradyo at
pagsulat ng sariling reaksyon
1.Matapos maisakatuparan ang pagpapakita ng dramang panradyo sa harap ng klase ay maaaring mag-record na ang bawat pangkat ng dramang panradyo gamit ang recorder o CD player.
2.Iparirinig sa klase ang ni-record na drama at ang mga tagapakinig ay magbibigay ng reaksyon sa isang buong papel gamit ang mga sumusunod na gabay na katanungan:
a.Magbigay ng opinyon / puna hinggil sa :
1.Boses
2.Skrip
3.Sound effects
b.Mula sa iskalang 1-10(10 ang pinakamataas at 1 ang pinakamababa),bigyan ng puntos ang iyong napakinggan. Ipaliwanag ang dahilan.
V.Batayan sa Pagmamarka
Gagamitin ang sumusunod na rubrics para sa pagpaparinig ng dramang panradyo sa ikatlong markahan:
1. Boses 50%
-may sapat na lakas at tono ayon sa emosyon
-wasto ang pagkakabigkas ng mga salita
-angkop ang boses sa katangian ng tauhan
2. Skrip 10%
-malikhain ang pagkakabuo ng mga dayalogo
-hindi maligoy ngunit tiyak ang pagkakagawa ng dayalogo
-makatotohanan ang mga salitang ginamit batay sa akda
-may kaisahan sa mga dayalogong ginamit
3. Sound Effects 16%
-gumamit ng angkop na tunog sa bawat senaryo
-may malikhaing pagkakabuo ng mga tunog
-nalapatan ng angkop na musika na nagpatingkad sa bawat pangyayari
4.Pangkalahatang Presentasyon 10%
5. Tagapakinig 10%
Batay sa kabuuang puntos na ibinigay gamit ang iskalang 1-10
96% Kabuuan
Ginamit ang 96% bilang perpektong marka ng proyekto sa ikatlong markahan sapagkat ang markang nabanggit ang pinakamataas na marka sa mga kontroladong kraytirya ng asignatura sa ikatlong markahan.
Para naman sa una at ikalawang markahan ay gagamitin ang mga rubrics na inihanda ng Kagawaran ng Filipino para sa mga pangkatan, pasalita, at pasulat na gawain na kalikasan ng mga proyekto sa una at ikalawang markahan.
1.Nilalaman 30%
-kaangkupan sa paksa ng proyekto
-katumpakan(accuracy) ng nilalaman ng proyekto
-kawastuhan ng ginawang proyekto
2.Organisasyon at Kahandaan 20%
-may sistema ang bawat detalye ng proyekto
-kawalan ng mga mali, tipograpikal man o may kinalaman sa paksa
-may daloy o organisasyon ang pagkakaugnay ng proyekto o paksa
3.Pagkamalikhain 30%
-nagtataglay ng astetikong katangian
-kakikitaan ng craftsmanship o kahusayan
-may balanseng kaugnayan ang kagandahan sa dapat na nilalaman ng
proyekto
4.Pangkalahatang presentasyon 14%
94% (Kabuuan)
VI. Mga Takdang Panahon ng Pagpapasa
Unang Markahan – itinakdang panahon ng pag-uulat
Ikalawang Markahan – Nobyembre 9-12, 2009
Ikatlong Markahan – Pebrero 2-5 , 2010
5 comments:
Hala. Kelan to papasa? :D
a week b4 ST A
Hi Teacher Dan. Magulang po kami ng isa sa mga estudyante nyo sa 2nd yr. Sir, ang galing po ng approach niyo in reaching out to your students and parents as well. We find it very efficient on keeping us informed para may kasangga din po kayo sa pagtuturo at paghanda sa mga bata. Great effort po! Mabuhay po kayo! - Mr. & Mrs. Reniva
Magandang Araw po Mrs. Reniva!
Maraming salamat po sa inyong pagpuri.Isang karangalan po ang mas mapadali ang komunikasyon ko sa mga bata at sa kanilang magulang.Hindi ko po akalaing mababasa ng katulad niyong magulang ang aking blogsite.Ganumpaman, ako po'y nagagalak na mabasa ang inyong komento.Salamat po muli.
waaa siirrr!!! so many.... I didnt get to look at your blog for a long time now T^T
Post a Comment